Nauuso ngayon sa blogosphere ang mga kwentong barrio. At dahil ayoko mapag-iwanan, siyempre makikisali din ako.
Technically, hindi naman talaga baryo ang lugar namin. Pero dahil nakatira kami sa bayan na may bundok, batis, ilog at bukid, at minsang tinawag na 5th. class municipality, ganun na rin yun di ba? Ang bayan namin, hindi yung typical na town. Baryong-baryo siya in many ways.
Walang palengke. Ang pinakamalapit, kulang-kulang isang oras na byahe. Kung gusto mo mag-Jollibee, that's two hours away. At kahit isang burger lang oorderin, todo ang get-up. Kasi sa loob ng jeep galing bundok, hindi proper attire ang naka-shorts lang. Palibhasa minsan-minsan lang makasakay at makarating ng highway kaya dapat tamang get-up. May schedule ang byahe na kadalasan once or twice a day lang. Hindi yung gigising ka lang anytime, lalabas ng bahay at papara na lang.
Madaming misconception tungkol sa lifestyle sa bukid. Tulad na lang ng bahay kubo as a symbol of poverty. Not necessarily. Kahit nagkakamay kumain, sa bahay kubo nakatira at walang pera sa bangko, nakatago sa baul ang pera nyan. Pagsama-samahin mo ang mga alagang baboy, kambing at kalabaw tas presyohan, idagdag pa ang mga lupaing sinasaka, mayaman na in their own rights. Tamang hindi nagugutom at kumakain talaga ng 3 square meals a day! IMPORTANT: Applicable lang sa kabukiran to. Kasi pag sa Manila bahay kubo ang tinutuluyan mo, ibang kwento yun.
Hindi lahat ng kababaihan naka-daster. Pinauso kasi sa mga pelikula ang promdi look eh, at hindi na nila na-update. Tuloy akala ng mga nasa city puro nakapaldang mahahaba ang mga babae sa bundok. Hindi po. Panahon pa ng hapon yun, sa mga paintings na lang ni Amorsolo makikita. Ngayon, madami din kita ang legs pag manamit; makikinis! Kasi, laging nahihilod ng mga bato sa batis. Hindi uso dun yung nabibiling net na pang-scrub, bato lang talaga. Sa baryo, it's almost a taboo na hindi mag-scrub (ng bato!) pag naliligo.
Hindi rin kami laging naka-camisa de chino. Hindi porke't magbubukid yun na lang lagi ang sinusuot. Makikita mo na lang to pag may mga nagtitinikling sa field demo pagdating ng mga pista.
Hindi na uso ang harana. LOL. Sa TV na lang meron yun, pag may artistang nagbe-bertday. Wala nang babaeng naka-dungaw sa bintana at kinakantahan. Text-text na lang ngayon. Meet sa kung saan, at yun na yun.
Sinong nagsabing maiitim kami? Blasphemy! Pare-pareho lang ang kulay nang balat naten. Babad lang kasi sa araw kaya umiitim.
Opo, may mga schools din po kami. Minsan, ilog at bundok ang tatawirin para lang makarating sa school. Mga books pinagpasa-pasahan na ng ilang henerasyon. Hardbound, kasi tinahi na ng lubid nung unang mapasakamay sa mga ninono pa namin. Kung panganay ka sa pamilya, kadalasan sayo lahat ang bago, pero kung ikaw ang bunso asahan mong tagapagmana ka ng mga pinag-lumaang uniporme ng mga ate o kuya mo. Ang mga magulang sa baryo, handang magbenta ng mga baka at kalabaw, at magsanla ng mga lupain para may pang-tuition lang ang mga anak. Ganun kahalaga ang edukasyon.
Simple lang talaga ang buhay doon. Kaya nga kami pinapabayaan eh. Akala kasi ng mga trapo naten wala na kaming pangarap, na kuntento na lang sa kung anong meron. Natutuwa kasi kami pag pinipinturahan nila ang plaza ng puti at yung mga pangalan nila nakaprint sa pula na ang lettering pagkalaki-laki. Lahat ng makikita mong bigay nila malaki man o maliit, may "donated by".
In a way tama sila. Pero nangangarap din po kami. Overtime, nagkakaroon ng linya ng kuryente, cable TV, sementadong kalsada, at higit sa lahat umaakyat ng entablado at tumatanggap ng diploma.
Yun nga lang ang mga sementadong kalsada very short ang lifespan. Seasonal kumbaga kasi pagdating ng mga bagyo tinatangay yun ng tubig ulan. Ganun siya katibay. Palibhasa yung budget pinang-casino sa Las Vegas at pinang-gawa ng sariling zoo! Amf talaga!









