Gusto daw ako makita ni lola. Mukhang malabo, naisip ko. Wala na open slot for vacation leave. Kung makakabakasyon man ako sa pasko, mahaba na yung tatlong araw. Makakuwi ako sa bahay, pero baka hindi ko mabibisita lola ko sa baryo. Malayo kasi yun mula sa bayan, at wala pa sasakyan kaya kailangan lakarin. Nakakapagod.
Umuwi at nakarating ako sa bahay mula Manila hapon ng December 23. Tinanong agad ako kung gusto ko lumakad. Negative. Pagod ako sa byahe at hindi ko na kaya maglakad ng ilang kilometro.
Pero nagbago isip ko bigla pagdating ng Noche Buena. Bago matulog sinabi ko na lalakad kami madaling araw ng 25 at balik din kami ng hapon, kailangan ko bumiyahe ng 26 ng umaga kasi may work ako kinagabihan. Kasama ko si papa at nakababatang kapatid, bitbit ang mga pasalubong, nagsimula kami maglakad alas singko ng umaga. Mahaba-habang lakaran. Dala ko camera ko kaya ang dalawang oras, nadoble.
Kahit malabo na ang paningin, nakilala agad ako ni lola pagdating namin. Abot tenga ang ngiti. Malaki ang tinanda niya mula nung huli ko siya nakita. Sa tono ng pananalita, para na siyang namamaalam. Pero binalewala ko. Pabiro kong sinabi; "huwag po muna, saka kung sakali man, huwag po sa tag-ulan ha?". Napatawa lang siya.
Halos di na siya kumakain ng kanin. Puro tinapay na lang, gatas o kape, milo, instant noodles. Noon ko na-realize na sa mga pasalubong naming dala, wala ni isa galing sa bulsa ko. Sabi ko sa kanya, "Lola, sa sunod na pagbisita ko, dalhan kita isang lata ng biskwit, yung malaki." Tumango lang siya. Mahina na rin kasi pandinig, di ko alam kung naintindihan niya ang sinabi ko.
Biswit. At least pwede yun tumagal kahit ilang linggo. Pag tinapay kasi madali masira.
Kahapon ng hapon, nakatanggap ako ng tawag mula sa ate ko.
Bukas, uwi ako. Babyahe tapos lalakad ako ng ilang kilometro papunta sa bahay ng lola ko...
bitbit, ang lata ng biskwit.